Sa gitna ng init ng tungkulin bilang mga bumbero, nagningning ang talento nina FO1 Kendall Marx Gagucas at FO1 Reymark D. Garcia mula sa Agoo Fire Station, na pinamumunuan ni FSINSP Ariston Tabali, Municipal Fire Marshal sa ginanap na Talentado sa Entablado Season 2 ng Bureau of Fire Protection Region 1 noong Marso 4 sa Robinsons, Calasiao, Pangasinan sa pagdiriwang ng Buwan ng Pag-iwas sa Sunog ngayong Marso na may temang, “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa!”
Naiuwi ni FO1 Gagucas ang kampeonato sa pagpapamalas ng husay sa pagkanta. Ayon kay FO1 Gagucas, hindi naging madali ang naging daan nito sa pag-abot ng titulo sa kabila ng kanyang tungkulin sa serbisyo at pagiging ama na kailangang maglaan ng oras para sa kanyang pamilya. Ngunit sa kabila ng pagsubok, pinatunayan ni FO1 Gagucas na walang imposible sa isang pusong determinado.
Hindi rin nagpahuli si FO1 Garcia sa kategoryang pagsayaw sa pagpapamalas ng husay sa pag-indak na nagdala sa kaniya sa ikalawang puwesto. Sa kanyang pagtatanghal, lumitaw ang kanyang galing sa paggalaw, ritmo, at ekspresyon na nagpahanga sa mga hurado at manonood.
Pagkilala ang muling ibinigay kay FO1 Gagucas at FO1 Garcia ng Lokal na Pamahalaan ng Agoo, sa pangunguna ni Mayor Frank O. Sibuma, noong Lunes, sa kanilang traditional flag-raising ceremony.
Ang tagumpay nina FO1 Gagucas at FO1 Garcia ay patunay na ang pagiging bumbero ay hindi lamang tungkol sa paglaban sa apoy at pagsagip ng buhay. Sa entablado, ipinakita nilang ang tapang at dedikasyon ng mga bumbero ng Agoo Fire Station at lahat ng alagad ng bayan sa Agoo ay hindi nakakahon sa serbisyong kanilang ginagampanan sa pang-araw-araw kundi pati na rin sa pagpapakita ng talento na nagbibigay-inspirasyon sa iba.
𝘚𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘯𝘪𝘯𝘢 𝘊𝘺𝘳𝘪𝘭𝘭 𝘌. 𝘋𝘦 𝘎𝘶𝘻𝘮𝘢𝘯 𝘢𝘵 𝘔𝘢𝘳𝘪𝘢𝘯𝘦 𝘚. 𝘔𝘰𝘯𝘵𝘦𝘮𝘢𝘺𝘰𝘳
𝘛𝘰𝘶𝘳𝘪𝘴𝘮 𝘖𝘧𝘧𝘪𝘤𝘦 𝘐𝘯𝘵𝘦𝘳𝘯𝘴 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘋𝘔𝘔𝘔𝘚𝘜-𝘚𝘓𝘜𝘊 𝘉𝘚 𝘍𝘪𝘭𝘪𝘱𝘪𝘯𝘰 𝘗𝘳𝘰𝘨𝘳𝘢𝘮
#BFPTalentadosaEntabladoSeason2 #AgooFirefighters #AgooFireStation #AGOO #SImulangBagongUMAga